Sumaya't Magpahinga
Sabik na sabik na kaming lahat sa pagtungo sa Parke ng Siyudad ng Dasmariñas. Ilang araw, bago pa kami magtungo dito ay tinatanong na namin sa aming isang kasamahan kung ano ba ang meron dito at nasabi niya doon kami magtungo bilang ito ay isa sa magandang pasyalan sa Dasma.
Nang bumaba na kami mula sa sasakyan ay nasabi ko na, "Parang alam ko na ata ito!". At nakita ko ang Hyper Market sa aming likuran at naalala ko na doon kami nagpunta nang aking ina noong nakaraang taon. Naglakad lang kami ng saglit at naroon na kami sa Parke, mahaba at magkabilaan ang lugar nito sa kalsada. Sa unang tingin ay masasabi mo na walang kaibahan sa ibang mga parke ngunit nang patuloy na kaming naglakad doon pumasok sa aming isipan ang kagandahan nito bukod sa ito'y halatang-halata na pinaghirapan ng mga taong bumuo rito.
Kami ay natuwa sa aming bawat hakbang dahil may nakikita kaming mga istatwa ng hayop at mayroong nakalagay nasulat malapit rito tungkol sa hayop na iyon. Maraming mga halaman ang naroon at ang iba'y namumulaklak, napakasarap kuhanan ng litrato ang mga ito kasama ang mga hayop habang laganap ang katahimikan. Maraming naroon, may mga magsing-irog na naglalakad-lakad, mga mag-aaral na kumukuha rin ng litrato habang nagkakasiyahan at mga taong roon nagpapahinga. At higit sa lahat ang pinakakumuha nang aming atensyon ay ang mga lalaking nagtitinda sa kalsada na tila mga kalabaw na may panindang pasan-pasan sa ilalim ng init ng araw, walis, salamin, sumbrero, at kung anu-ano pa.
Naramdaman namin na tila naambon, at di nga kami nagkamali, umambon na talaga. At nagtakbuhan na kami ngunit masaya parin at roon kami nag-antay ng pagtila ng ulan sa isang ginawang Talon na may kuwebang istilo sa loob, roon parin sa Parke. Pagkatapos ng pagtila ng ulan ay roon narin natapos ang aming pagbisita sa Parke ng Siyudad ng Dasma.