Miyerkules, Nobyembre 27, 2019

Layunin 16 ng SDGs

Ang Kabataan Tungo sa Layunin 16

     Bilang tugon sa mga hamon na kinahaharap ng mundo, binuo at nilagdaan ng Nagkakaisang Bansa ang Sustainable Development Goals o SDGs. Mayroon itong 17 layunin na kinikilala ang kahirapan, pagkasira ng kapaligiran, hindi pagkakapantay-pantay, produksiyon at pagkonsumo, katiwalian at marami pang ibang mga suliranin (Bornett, 2018).

    Isa sa SDGs ang Layunin 16: "Kapayapaan, katarungan, at matatag na mga institusyon." At upang tuluyan itong makamit bago pa man ang taong dalawang libo tatlumpu, nasa ilalim nito ang subgoal 16.7 ang matiyak ang pagtugon, pakikisangkot, pakikilahok at pagkakaroon ng mga kinatawan para sa mga pagpapasya sa lahat ng antas.

    "Dapat nating mabawi ang paniniwala na kailangan natin ang isa't isa, na mayroon tayong responsibilidad para sa iba at sa mundo, at ang pagiging mabuti at disente ay sulit (JPIC, 2018; Francis, 2015)."


        Bilang parte ng isa sa may pinakamalaking populasyon na sektor ng lipunan, ang kabataan, napili kong makapanayam ang isa sa kapwa ko kabataan na tulad ko ay miyembro rin ng ilang organisasyon at ilagay sa blog na ito ang kanyang kasagutan sa kung ano ang mga papel natin upang maisakatuparan ang layunin 16 ng SDG sa pamamagitan ng subgoal 16.7. 

      Si Bb. Ana Cris Navarroza ay miyembro ng Nagkakaisang Kababaihan ng General Trias, isang federasyon ng mga kababaihan na layong bigyan ng lakas o inspirasyon ang mga miyembro nito. Tinanong ko siya kung ano ang mga bagay na maaaring gawin ng mga kabataan sa ilalim ng layunin 16.7. 

    Ayon kay Bb. Navarroza, maisasakatuparan natin ito sa pamamagitan ng pagboto. Ang kabataan kapag tumungtong na ng labinlimang taong gulang ay maaari na silang magparehistro sa kani-kanilang lugar para makiiisa sa araw ng eleksyon. Maaari rin tayong manood sa mga miting de advance at makinig sa mga plataporma o propaganda ng mga kandidato. Wika niya, pwede rin na tumulong sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV kung saan tayo mismo ang maghahanap ng mga precinct numbers ng mga botante para sa kaayusan at kapayapaan sa mismong eleksyon.


        Aniya, isa rin sa mga paraan upang maipakita natin ang ating pakikiisa ay ang paglahok sa mga seminar o sa mga aktibidad sa ating lipunan. Nariyan ang youth summit, mga activities ng simbahan katulad ng tree planting, at mga liga. Dagdag pa niya, sa mga assembly maaari tayong magsabi ng ating mga hinaing, kung ano ang mga napapansin nating mali, at makapagbigay ng mungkahi sa kung ano ba ang dapat na aksyon o ang mga tamang programa na makabubuti para sa lahat. 

       Sa bandang huli ng aming pag-uusap, binanggit niya na masasabi nating matatag ang isang institusyon kung mayroon itong mga miyembro at layunin na para sa lahat. Naniniwala siya na hindi pwedeng nasa bahay lamang tayo at hindi tayo matatawag na isang mabuting mamamayan kung hindi tayo lumalahok sa mga aktibidad na mayroon sa ating lugar.

     Masasabi ko na sa mga nabanggit ni Bb. Navarroza, ang pinakaimportanteng bigyang pansin ay ang pagboto. Noon, naghanap ako ng mga nais sumabay sa libreng sakay upang makapagparehistro sa ilalim ng federasyon na aking kinabibilangan. Nagtanong ako sa mga kabataan sa aming lugar kung nakapagparehistro na ba sila at ilan sa kanila ang nagsabing hindi naman ito kailangan. At iyon ang hindi ko maintindihan. Naiisip ba nilang hindi sila nabibilang? Hindi sila parte ng bilang? Kung sa palagay nila, hindi na magbabago ang estado ng bansa... hindi ba mas walang mangyayari kung hindi natin gagampanan ang ating mga papel?

        Naalala ko ang linyang "Kabataan ang pag-asa ng bayan." Tama, ngunit kailangan talagang makita sa atin na mayroon silang aasahan, na mayroon tayong kahihinatnan at may magagawa tayo para sa kinabuksan. Lahat pa ng kilos tungo sa pagbabago ay magmumula pa rin sa ating mga sarili. 

Mga Sanggunian
Bornett, K. 2018. Ano ang SDG? https://option-news.cdn.ampproject.org/v/s/option.news/tl/ano-ang-sdg/amp/?amp_js_v=a2&amp_gsa=1&usqp=mq331AQCKAE%3D#aoh=15731367747070&referrer=https%3A%2F%2Fwww.google.com&amp_tf=From%20%251%24s&ampshare=https%3A%2F%2Foption.news%2Ftl%2Fano-ang-sdg%2F

Justice, Peace, and Integrity of Creation. 2018, Hulyo 6. High-Level meeting sa Sustainable Development Goals (SDGs) naka-iskedyul para sa Hulyo 9-18. http://tl.omiusajpic.org/2018/07/06/high-level-meeting-on-sustainable-development-goals-sdgs-scheduled-for-july-9-18/

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento