Huwebes, Pebrero 20, 2020

Sa Loob ng Dalawang Araw at Isang Gabi

(Kuha sa Bataan Tourism Center)
Sa bawat giyera, may mga inosenteng naaapektuhan.
Gusto kong ipakita ang nararamdaman ng mga taong nasa ganitong sitwasyon.
Sa lahat siguro ng emosyon, takot ang mangunguna sa atin.
Ang hirap isipin na may mga nawalan ng bahay at nawalan ng mahal sa buhay.
Paano pa silang mga nanganib na mawalan ng buhay?


(Kuha sa Dambana ng Kagitingan)
Alam kong importante para sa lahat ang ating mga pamilya.
Ganoon din ang buhay na mayroon tayo.
Ito ang dahilan kung bakit saludo ako sa mga taong nakikipagbakbakan sa giyera.
Tunay na napakagiting nila.
Sa panahon naman ngayon, hindi ko alam kung marami pa rin ba ang handang ibuwis ang kanilang buhay para sa ating bayan ngunit marami pa rin namang paraan upang makapagsilbi ng bukal sa kalooban.


(Kuha sa Casa Accessoria, Las Casas Filipinas de Acuzar)
Gabi na noong una akong nakatapak sa Las Casas noong nakaraang taon.
Ang lugar ay napalilibutan ng dilaw na ilaw at nangingibabaw ang ganda nito sa ilalim ng buwan.
Pakiramdam ko isa akong prinsesa na maginhawang namumuhay sa isang malaking mansyon.
Sa aking pangalawang pagdalaw dito, muli ko na lamang naalala ang mga taong nag-aasikaso doon.
Naalala ko na hindi lahat ng tao ay nabuhay para maging prinsesa o prinsipe kaagad.
Tulad sa mga kwentong pambata, ang mga tao'y dumaan muna sa maraming pagsubok bago makamit ang buhay na kanilang, pinapangarap.


(Kuha sa Plaza Francisco, Las Casas Filipinas de Acuzar)
Ang sarap mamasyal.
Ang sarap lumayo sa nakapapagod at tila paulit-ulit na mga pangyayari sa buhay.
Parang nakagagaan sa pakiramdan na lisanin ang mga problema, ngunit ito’y panandalian lang.
Hindi mo iyon pwedeng takasan at patagalin hanggang sa ika’y matambakan na lamang.
Ikaw pa rin ang reresolba sa mga ito.
Hindi ka minamadali, kahit unti-unti.
Ang importante’y makabangon muli.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento