Huwebes, Pebrero 20, 2020

Sa Loob ng Dalawang Araw at Isang Gabi

(Kuha sa Bataan Tourism Center)
Sa bawat giyera, may mga inosenteng naaapektuhan.
Gusto kong ipakita ang nararamdaman ng mga taong nasa ganitong sitwasyon.
Sa lahat siguro ng emosyon, takot ang mangunguna sa atin.
Ang hirap isipin na may mga nawalan ng bahay at nawalan ng mahal sa buhay.
Paano pa silang mga nanganib na mawalan ng buhay?


(Kuha sa Dambana ng Kagitingan)
Alam kong importante para sa lahat ang ating mga pamilya.
Ganoon din ang buhay na mayroon tayo.
Ito ang dahilan kung bakit saludo ako sa mga taong nakikipagbakbakan sa giyera.
Tunay na napakagiting nila.
Sa panahon naman ngayon, hindi ko alam kung marami pa rin ba ang handang ibuwis ang kanilang buhay para sa ating bayan ngunit marami pa rin namang paraan upang makapagsilbi ng bukal sa kalooban.


(Kuha sa Casa Accessoria, Las Casas Filipinas de Acuzar)
Gabi na noong una akong nakatapak sa Las Casas noong nakaraang taon.
Ang lugar ay napalilibutan ng dilaw na ilaw at nangingibabaw ang ganda nito sa ilalim ng buwan.
Pakiramdam ko isa akong prinsesa na maginhawang namumuhay sa isang malaking mansyon.
Sa aking pangalawang pagdalaw dito, muli ko na lamang naalala ang mga taong nag-aasikaso doon.
Naalala ko na hindi lahat ng tao ay nabuhay para maging prinsesa o prinsipe kaagad.
Tulad sa mga kwentong pambata, ang mga tao'y dumaan muna sa maraming pagsubok bago makamit ang buhay na kanilang, pinapangarap.


(Kuha sa Plaza Francisco, Las Casas Filipinas de Acuzar)
Ang sarap mamasyal.
Ang sarap lumayo sa nakapapagod at tila paulit-ulit na mga pangyayari sa buhay.
Parang nakagagaan sa pakiramdan na lisanin ang mga problema, ngunit ito’y panandalian lang.
Hindi mo iyon pwedeng takasan at patagalin hanggang sa ika’y matambakan na lamang.
Ikaw pa rin ang reresolba sa mga ito.
Hindi ka minamadali, kahit unti-unti.
Ang importante’y makabangon muli.

Miyerkules, Nobyembre 27, 2019

Layunin 16 ng SDGs

Ang Kabataan Tungo sa Layunin 16

     Bilang tugon sa mga hamon na kinahaharap ng mundo, binuo at nilagdaan ng Nagkakaisang Bansa ang Sustainable Development Goals o SDGs. Mayroon itong 17 layunin na kinikilala ang kahirapan, pagkasira ng kapaligiran, hindi pagkakapantay-pantay, produksiyon at pagkonsumo, katiwalian at marami pang ibang mga suliranin (Bornett, 2018).

    Isa sa SDGs ang Layunin 16: "Kapayapaan, katarungan, at matatag na mga institusyon." At upang tuluyan itong makamit bago pa man ang taong dalawang libo tatlumpu, nasa ilalim nito ang subgoal 16.7 ang matiyak ang pagtugon, pakikisangkot, pakikilahok at pagkakaroon ng mga kinatawan para sa mga pagpapasya sa lahat ng antas.

    "Dapat nating mabawi ang paniniwala na kailangan natin ang isa't isa, na mayroon tayong responsibilidad para sa iba at sa mundo, at ang pagiging mabuti at disente ay sulit (JPIC, 2018; Francis, 2015)."


        Bilang parte ng isa sa may pinakamalaking populasyon na sektor ng lipunan, ang kabataan, napili kong makapanayam ang isa sa kapwa ko kabataan na tulad ko ay miyembro rin ng ilang organisasyon at ilagay sa blog na ito ang kanyang kasagutan sa kung ano ang mga papel natin upang maisakatuparan ang layunin 16 ng SDG sa pamamagitan ng subgoal 16.7. 

      Si Bb. Ana Cris Navarroza ay miyembro ng Nagkakaisang Kababaihan ng General Trias, isang federasyon ng mga kababaihan na layong bigyan ng lakas o inspirasyon ang mga miyembro nito. Tinanong ko siya kung ano ang mga bagay na maaaring gawin ng mga kabataan sa ilalim ng layunin 16.7. 

    Ayon kay Bb. Navarroza, maisasakatuparan natin ito sa pamamagitan ng pagboto. Ang kabataan kapag tumungtong na ng labinlimang taong gulang ay maaari na silang magparehistro sa kani-kanilang lugar para makiiisa sa araw ng eleksyon. Maaari rin tayong manood sa mga miting de advance at makinig sa mga plataporma o propaganda ng mga kandidato. Wika niya, pwede rin na tumulong sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV kung saan tayo mismo ang maghahanap ng mga precinct numbers ng mga botante para sa kaayusan at kapayapaan sa mismong eleksyon.


        Aniya, isa rin sa mga paraan upang maipakita natin ang ating pakikiisa ay ang paglahok sa mga seminar o sa mga aktibidad sa ating lipunan. Nariyan ang youth summit, mga activities ng simbahan katulad ng tree planting, at mga liga. Dagdag pa niya, sa mga assembly maaari tayong magsabi ng ating mga hinaing, kung ano ang mga napapansin nating mali, at makapagbigay ng mungkahi sa kung ano ba ang dapat na aksyon o ang mga tamang programa na makabubuti para sa lahat. 

       Sa bandang huli ng aming pag-uusap, binanggit niya na masasabi nating matatag ang isang institusyon kung mayroon itong mga miyembro at layunin na para sa lahat. Naniniwala siya na hindi pwedeng nasa bahay lamang tayo at hindi tayo matatawag na isang mabuting mamamayan kung hindi tayo lumalahok sa mga aktibidad na mayroon sa ating lugar.

     Masasabi ko na sa mga nabanggit ni Bb. Navarroza, ang pinakaimportanteng bigyang pansin ay ang pagboto. Noon, naghanap ako ng mga nais sumabay sa libreng sakay upang makapagparehistro sa ilalim ng federasyon na aking kinabibilangan. Nagtanong ako sa mga kabataan sa aming lugar kung nakapagparehistro na ba sila at ilan sa kanila ang nagsabing hindi naman ito kailangan. At iyon ang hindi ko maintindihan. Naiisip ba nilang hindi sila nabibilang? Hindi sila parte ng bilang? Kung sa palagay nila, hindi na magbabago ang estado ng bansa... hindi ba mas walang mangyayari kung hindi natin gagampanan ang ating mga papel?

        Naalala ko ang linyang "Kabataan ang pag-asa ng bayan." Tama, ngunit kailangan talagang makita sa atin na mayroon silang aasahan, na mayroon tayong kahihinatnan at may magagawa tayo para sa kinabuksan. Lahat pa ng kilos tungo sa pagbabago ay magmumula pa rin sa ating mga sarili. 

Mga Sanggunian
Bornett, K. 2018. Ano ang SDG? https://option-news.cdn.ampproject.org/v/s/option.news/tl/ano-ang-sdg/amp/?amp_js_v=a2&amp_gsa=1&usqp=mq331AQCKAE%3D#aoh=15731367747070&referrer=https%3A%2F%2Fwww.google.com&amp_tf=From%20%251%24s&ampshare=https%3A%2F%2Foption.news%2Ftl%2Fano-ang-sdg%2F

Justice, Peace, and Integrity of Creation. 2018, Hulyo 6. High-Level meeting sa Sustainable Development Goals (SDGs) naka-iskedyul para sa Hulyo 9-18. http://tl.omiusajpic.org/2018/07/06/high-level-meeting-on-sustainable-development-goals-sdgs-scheduled-for-july-9-18/

Miyerkules, Marso 6, 2013

Terraza Dasma

Lugar Kainan at Gimikan

     Biglaan lamang ang aming pagpili na ipakilala ang Terraza Dasma na isa sa maaaring puntahan ng mga turista sa Dasmariñas, Cavite. Sa paaralan namin pinag-usapan kung sino ang maaaring sumama sa amin upang matapos na ang aming proyektong panturismo. Sinabihan kami ng aming mga magulang bago umalis na ingatang mabuti ang aming mga gamit dahil hindi namin kilala ang mga tao rito.

     Sa aming pagsakay ng dyip ay napahiwalay ako sa upuan kaya tinanong ako ng isa sa aming mga kasama kung okay lang ba ako. Syempre okay lang naman dahil 'di naman kami magkakahiwalay. Nang ibinaba na kami sa Robinson mula sa dyip ay inilabas na namin ang aming mga kamera para kuhanan ng litrato ang Terraza Dasma. Ayon nga sa aming mga magulang kanina ay iningatan talaga namin at medyo nahihiya kami dahil nga sa kami lang ang naroon sa labas ng Terraza Dasma at kumukuha pa ng litrato. Iniisip na namin agad ang ilalagay naming deskripsyon tungkol sa lugar na ito.Tawang-tawa kami na may halong pagkahiya dahil nakikita namin ang ibang taong dumaraan na nakatinggi sa amin.



     Lumipat naman kami sa gilid ng Terraza Dasma na kung saan ito ay nakaharap sa isang Terminal. Dito na kami nagkuhaan nang litrato ng Terraza Dasma kasama ang aming mga sarili. Matapos roon ay namasyal na kami sa SM Dasma bago kami umuwi.

 

Miyerkules, Pebrero 20, 2013

Dasmariñas City Park

Sumaya't Magpahinga


    Sabik na sabik na kaming lahat sa pagtungo sa Parke ng Siyudad ng Dasmariñas. Ilang araw, bago pa kami magtungo dito ay tinatanong na namin sa aming isang kasamahan kung ano ba ang meron dito at nasabi niya doon kami magtungo bilang ito ay isa sa magandang pasyalan sa Dasma.



     Nang bumaba na kami mula sa sasakyan ay nasabi ko na, "Parang alam ko na ata ito!". At nakita ko ang Hyper Market sa aming likuran at naalala ko na doon kami nagpunta nang aking ina noong nakaraang taon. Naglakad lang kami ng saglit at naroon na kami sa Parke, mahaba at magkabilaan ang lugar nito sa kalsada. Sa unang tingin ay masasabi mo na walang kaibahan sa ibang mga parke ngunit nang patuloy na kaming naglakad doon pumasok sa aming isipan ang kagandahan nito bukod sa ito'y halatang-halata na pinaghirapan ng mga taong bumuo rito.

     Kami ay natuwa sa aming bawat hakbang dahil may nakikita kaming mga istatwa ng hayop at mayroong nakalagay nasulat malapit rito tungkol sa hayop na iyon. Maraming mga halaman ang naroon at ang iba'y namumulaklak, napakasarap kuhanan ng litrato ang mga ito kasama ang mga hayop habang laganap ang katahimikan. Maraming naroon, may mga magsing-irog na naglalakad-lakad, mga mag-aaral na kumukuha rin ng litrato habang nagkakasiyahan at mga taong roon nagpapahinga. At higit sa lahat ang pinakakumuha nang aming atensyon ay ang mga lalaking nagtitinda sa kalsada na tila mga kalabaw na may panindang pasan-pasan sa ilalim ng init ng araw, walis, salamin,  sumbrero, at kung anu-ano pa.



     Naramdaman namin na tila naambon, at di nga kami nagkamali, umambon na talaga. At nagtakbuhan na kami ngunit masaya parin at roon kami nag-antay ng pagtila ng ulan sa isang ginawang Talon na may kuwebang istilo sa loob, roon parin sa Parke. Pagkatapos ng pagtila ng ulan ay roon narin natapos ang aming pagbisita sa Parke ng Siyudad ng Dasma.


Sabado, Pebrero 16, 2013

Good Shepherd Parish Church

Sambahan

     Sa aming pagtungo sa Parokya ng Mabuting Pastol sa Pala-pala Dasmariñas City, Cavite ay tamang-tama dahil may nagaganap na isang kasalan. Napakasarap pala talagang makasaksi ng isang kasalan lalo na't kung ang mga awitin na pinaparinig ay iyong naiintindindihan. Lahat kami'y naging tahimik sa loob, pinaringgan naming lubusan ang tugtugin habang nakatinggin sa dalawang taong ipinares ng ating Panginoon. Habang nagkukuhaan na ng larawan ay nagsimula na rin kaming kumuha ng mga larawan sa loob ng simbahan katulad ng larawan ng mga Apostol at ng ating Panginoong Hesu Kristo.



     Nang kami ay matapos, pansin na pansin namin ang isang minor de edad na marungis at may hawak na sako. Napansin namin na tila nag-iikot ang kanyang mga namimilog na mata at agad na pumasok sa aming isipan na hawakan ng mabuti ang aming mga gamit. Di namin mapigilan na siya'y tingnan at nang kami'y mapalingon muli ay nakita namin ang kanyang kamay na nakahawak sa isa sa mga saksakan ng simbahan para sa elektrisidad. Bigla niyang tinanggal ang kanyang kamay dito dahil sa nakita niya kaming nakatinggin sa kanya at agad kaming lumihis ng tinggin. Muli sa pangalawang pagkakataon nangyari muli iyon ngunit sa ibang saksakan naman.

     Sa paglabas namin upang kuhaan na namin ng larawan ang ikinasal habang palabas ng simbahan ay nakita naming muli ang lalaki sa simbahan na tila iniintay na magsilabasan ang mga tao sa loob. Nang nakuha na ng ikinasal ang atensyon ng lahat ay bigla nang tumakbo ang lalaki  papasok ng simbahan. Nakuhaan na namin ng larawan ang ikinasal at umalis na ang lahat. Napag-desisyunan na rin naming magpahinga at kumain na muna sa loob ng SM Dasma.